Wednesday, March 27, 2024

Happy School Project inilunsad ng DepEd Legazpi____ Imprastraktura sa paaralan binigyang prayoridad

     Inilunsad ng Dibisyon ng Lungsod ng Legazpi ang Happy School Project upang matiyak na binibigyang pagpapahalaga at prayoridad ng paaralan katuwang ang mga stakeholder nito ang kahalagahan ng isang malinis, maayos at ligtas na kampus, at dekalidad na edukasyon ng mga mag-aaral alinsunod sa inilabas na Division Memorandum 81 s 2024 nito lamang Pebrero 28.

    Bilang tugon ng paaralan sa layuning mabigyan ng ligtas, malinis at maayos na kampus ang mga mag-aaral ay pinangunahan ni Punongguro Elvira Tusi-Belen at ng mga bagong halal na opisyales ng School Parents-Teachers Association (SPTA) ang pagpaplano at pagpapatupad ng mga programa sa ilalim ng Happy School Project, kabilang na rito ang pagbibigay prayoridad sa imprastraktura ng lugar.

    Bago pa man ilunsad ang Happy School Project, maigting nang pinatupad ni Belen ang pagpapanatili ng kalinisan ng kampus at pagkukumpuni sa mga silid-aralan gamit ang Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng paaralan.

    Sa inilabas na ulat ng paaralan sa Transparency Board sa una at ikalawang kwarter ng taon, napaayos ng paaralan ang apat na silid-aralan, nakumpuni ang mga kulang na jalousy ng mga silid aralan sa senyor hayskul, muling nagamit ang mga sirang palikuran, napaganda ang kampus, at napatupad ang patakarang “Basura Mo, sa Bulsa Mo”. Ang lahat ng ito ay naisakatuparan upang maibsan ang basura at mapanatili ang kaayusan sa loob ng kampus.

    Pinangunahan rin ni SPTA President Marlon Andes, kasama ang iba pang mga opisyales at magulang, ang malawakang pagpapaunlad ng imprastraktura sa kampus sa buong buwan ng Pebrero at Marso, 2024.

    Sinimulan ang pagpipintura ng mga gusali ng paaralan, pagkumpuni ng mga silid-aralan, at muling pagtataguyod ng “Gulayan sa Paaralan” katuwang ang mga stakeholder sa ilalim ng TUPAD Program ng pamayanan nito lamang Pebrero 19.

    Sa tulong naman ng Homeroom PTA sa junior high school ay nagawang magkaroon ng mga learning hub at student lounge sa loob ng kampus.

    “Sa pagtutulungan ng lahat, nagawa ng paaralan na maging isang Happy School,” pahayag ni Belen.


| Jilliane Mae Bitara

Friday, March 15, 2024

San Vicente Ferrer: Patotoo ng Pananampalataya

    Matatagpuan sa puso ng Homapon sa Lungsod ng Legazpi ang kapilya ni San Vicente Ferer na tumatayo bilang tanglaw ng ispirituwal na kasiyahan at pakikisangkot sa Diyos. Ang simpleng kapilyang ito, na itinatag sa dakilang patrono ng mga himala, ay naging tanyag dahil sa mga kwentong himala at hindi kapani-paniwalang pangyayari.

    Itinayo ng mga deboto sa lokal na pamayanang ang kapilya ni San Vicente Ferrer isang dekada na ang nakalipas. Naitayog ang kapilya sa matinding pagnanais ng mga taga-Homapon na magtatag ng lugar kung saan ang mga  lokal na residente ay maaaring makapagsamba. Sa pagdaan ng panahon, dumami ang mga naging deboto nito kasabay ng mga kwentong himala at kabanalan, dahilan upang mas dumami pa ang mga deboto ni San Ferrer mula sa loob at labas ng pamayanan.

    Libu-libong kwento ng himala ang naging usap-usapan sa loob at labas ng kapilyang ito. Isa na rito ang kwento ni Lola Tuting tungkol sa paggaling ng mga kakilala niyang may sakit, at mga hindi maipaliwanag na proteksyong natatanggap ng mga deboto mula sa mga sakuna.

    Sa kabila ng mga kakaibang himala, ang Kapilya ni San Vicente Ferrer ay tila isang tahanang pinagmumulan ng pag-asa para sa mga taong may kinakaharap na mabigat na suliranin at pagsubok sa buhay. Ang kapilya ni San Vicente Ferrer ang takbuhan ng mga debotong naghahanap ng kahulugan sa panahon ng kawalan ng katiyakan o pagpapasasalamat sa Panginoon para sa mga biyayang natanggap. Ang mga mananampalataya ay nakararamdam ng kaligayahan at kapanatagan sa payapang yakap ng banal na tahanan ni San Vicente Ferrer.

    Kwento naman ng isa pang residente ng barangay, “Meron ako noong mga bukol sa iba ibang parte ng katawan pero nawala ang mga ito noong nagsimula akong manampalataya. Kaya naman talagang naniniwala ako sa himala ni San Vicente Ferrer.” Ang kwentong ito ay lumaganap sa mga karatig na pamayanan dahilan upang mas dumami ang deboto ng santo.

    Sa pangangalap ng datos ng patnugutan, lumabas rin ang maraming katuparan sa mga dasal na nilalapit kay San Vicente Ferrer, hindi lamang ng mga matatanda kundi maging ng mga kabataan. Kabilang na rito ang mga kwentong biyaya mula sa mga taong pumasa sa iba't ibang board exam matapos ang taimtim na pagdarasal sa santo.Hiling rin ng mga mag-aaral, lalo na ang mga magsisipagtapos sa hayskul at kolehiyo, ang  maipasa ang mga pangunahing pagsusulit. Nariyan rin ang mga dasal ng mga mag-aaral sa tuwing may mga lalahukang kompetisyon. May mga reseidente rin ng Homapon ang nananatiling deboto ng santo dahil sa mga himala ng pagpapagaling sa mga iniindang karamdaman.

    Ang patuloy na pagdami ng mga mananampalataya kay San Vicente Ferrer ay hindi lamang dahil sa mga himalang kanilang hinihingi kundi pati na rin sa hindi mabilang na mananampalataya sa Panginoon. Ito ay isang patotoo sa malalim na paniniwala at pananampalataya ng mga tao sa Diyos at sa tulong na rin ng mga santo, kabilang si San Vicente Ferrer.

    Sa isang mundong kadalasang sinalanta ng kawalan ng katiyakan, ang santo na si San Vicente Ferrer ay tumatayo bilang matibay na tanglaw ng pag-asa at paalala sa mga deboto sa kapangyarihan ng pananampalataya. Habang patuloy na nagtutungo ang mga deboto sa banal na espasyong ito, ang mga kuwento ng mga himala sa nakaraan at kasalukuyan ay patuloy na nagbibigay-inspirasyon at nagsisilbing patotoo sa walang hanggang biyaya ni San Vicente Ferrer.


| Ramy Jello Alamo

Thursday, March 14, 2024

Mangrove View Leisure Hub: Bagong Pasyalang Handog ng Homapon

    Tahimik, maganda, at puno ng buhay— ganito kung ilarawan ang Mangrove View Leisure Hub na matatagpuan sa sa isang tahanan ng kalikasan sa Anonang, Homapon, Legazpi City. Kilala ang lugar bilang isang lihim na oasis, kung saan ang mga kahoy ng mangroves ay hindi lamang sumisimbolo ng lakas at suporta, kundi pati na rin ng yaman ng kalikasang taglay ng lugar na dapat pangalagaan.

    Ang Mangrove View Leisure Hub ay pagmamay-ari ni Paul Acuña, isang residente ng Daraga, Albay. Ang lugar ay matagal nang nagbibigay ng pahinga, saya at inspirasyon sa mga naging bisita nito. 

    Muli itong binuksan sa mga bisita noong 2022 matapos nitong magsara noong pandemik. Ang pagbubukas nito sa publiko ay pagbibigay rin ng pagkakataong masilayan ang kahanga-hangang kagandahan ng kalikasan.

    Bukod sa natural na ganda ng lugar, mayroon ding mga pasilidad na inaalok ang Mangroves para sa mga bisita. Sa napakababang halaga ng entrance fee na ₱P 30.00 ay maaari nang magamit ang mga kagamitang panluto, bluetooth speaker, lamesa, at upuan. Ang sariwang berdeng damo ang nagbibigay ng  aliwalas at kapayapaan sa lugar. May mga upuan rin na gawa sa kahoy na nag-aanyong pahingahan sa ilalim ng mga puno habang minamasdan ang magandang tanawin nito.

    Ang lugar ay mayroon ding hagdan na may mga nakasabit na bumbilya, na nagbibigay ng romantikong atmospera sa gabi. Hindi rin mawawala ang mga gawaing-panlibang tulad ng pamamangka at pangingisda. Maaaring bayaran ang mga nahuling isda depende sa dami at bigat ng mga ito.

    Para sa mga nais magpahinga nang mas matagal, mayroong dalawang kwarto na may aircon na maaaring tuluyan. Ayon sa katiwala, maaari ring gamitin ang Mangroves para sa simpleng selebrasyon tulad ng kaarawan at kasal, dahil sa tahimik at maganda nitong kapaligiran.

    Ang pag-usbong ng Mangroves bilang pook-pasyalan sa lugar ay hindi lamang isang indikasyon ng pag-unlad ng pamayanan, kundi pati na rin ng pagpapahalaga natin sa kalikasan. 

    Sa huli, ang Mangroves ay hindi lamang isang atraksyon; ito ay isang paalala na ang kagandahan ng kalikasan ay dapat pangalagaan at pahalagahan para sa kasalukuyan at sa susunod pang mga henerasyon.


| Claire Joy Ardales

Monday, March 4, 2024

Paglagay ng CCTV sa kampus, naisakatuparan

Apat na bagong CCTV camera ang naikabit sa mga istratehikong lugar sa kampus ng Mataas na Paaralan ng Homapon nitong Marso 5, 2024.

    Kasama sa ipinasang Annual Implementation Plan (AIP) ng paaralan para sa kasalukuyang taong panuruan ang paglalaan ng badjet upang maisakatuparan ang pagpapakabit ng mga CCTV sa kampus. 

    Layunin ng proyektong ito na mapadali ang pag-monitor at mabigyan ng karagdagang proteksyon ang bawat nasa loob ng kampus mula sa mga hindi inaasahan at masasamang insidente.

    “Malaking tulong ang pagkakaroon ng mga CCTV sa paaralan lalo na sa pagpapanatili ng seguridad ng mga mag-aaral at kawani sa kampus, mas mabilis na pagtugon sa mga insidente, pag-iingat sa lahat ng asset o pagmamay-ari ng paaralan, at pag-momonitor sa mga gawain sa loob ng kampus,” pagpapaliwang ni Punongguro Elvira Tusi-Belen.

    Tinukoy rin ni Eduardo Leron, watchman ng paaralan, ang mga naitalang kaso ng pagnanakaw na naganap ng nakaraang taon.

    Sinang-ayunan naman ni Guidance Counselor Nancy Orgas ang layunin ng paaralan sa paglalagay ng mga CCTV.

    Ayon kay Orgas, malaking tulong rin ang pagkakaroon ng CCTV upang maiwasan o hindi kaya naman ay makatulong sa pag-imbestiga sa mga kaso ng away o bullying sa kampus.

    Dagdag pa ni Belen, ang mga CCTV sa paaralan ay maaaring magsilbing bahagi ng pangkalahatang estratehiya sa seguridad at pamamahala ng paaralan upang mapanatili ang kaayusan, kaligtasan at kaginhawaan ng lahat ng mga kasapi at stakeholder ng paaralan.


| Fatima Nuza

Monday, February 26, 2024

Kulturang Homaponian: Mga Pamahiin sa Patay

    Ang bawat kultura sa mundo ay mayroong mga paniniwala at tradisyon patungkol sa kamatayan. Ito ay naglalarawan hindi lamang ng mga relihiyosong paniniwala, kundi pati na rin ng ugnayan at paggalang sa mga yumao. Sa pamayanan ng Homapon, ang mga pamahiin sa patay ay bahagi ng mga kaugalian at tradisyon na may malalim na kahulugan.

    Ang mga paniniwala ng mga lokal na mamamayan ng Homapon ay walang siyentipikong batayan. Ang mga ito ay naipasa sa mga nakaraang henerasyon hanggang sa kasalukuyan dahil ito na ang nakagawian sa lugar.  Halimbawa na lang nito ay ang paniniwalang ang itim na paru-paro at mga langgam ay nagbibigay hudyat na may taong mamamaalam. Gayunpaman, pinapayabong ng mga ganitong paniniwala ang kultural na yaman ng lugar.

    May mga kinagisnang gawain rin ang mga lokal na residente kapag may yumao sa lugar. Bago pa dumating ang kabaong sa bahay, nararapat lamang na nakapaglinis na sa lugar ng paglalamayan sa paniniwalang  isang malinis na kapaligiran ang dapat na sumalubong sa namatay.

    Kapag dumating na ang kabaong ng yumao ay mas marami pa ang pinagbabawal ayon sa mga pamahiin ng mga matatanda. Nariyan ang pagbawawal sa pagmamano, pagwawalis, panunuklay, pagpapaalam kapag aalis na, pagdadala ng pagkain galing burol, pagpapatong-patong ng mga plato sa hapag-kainan, paliligo sa bahay kung saan ginagawa ang lamay sa patay, at pag-upo sa upuan ng asawa ng namatay. Tiyakin rin na hindi mapatakan ng luha ang kabaong ng yumao.

    Wala mang siyentipikong dahilan ang mga pamahiing ito, patuloy pa rin itong ginagawa ng mga tao sa pamayanan. Sa katunayan, sa araw ng libing, pinagbabawal ang pagbubuhat ng mga kamag-anak sa kabaong ng yumao. Pinagbabawal din na bisitahin ang asawa ng namatay sa loob ng tatlong araw matapos ang libing. Higit sa lahat, matapos ang libing, kailangang maglibot ang naiwang pamilya ng yumao sa kanilang bahay at huwag kalimutang maghugas ng kamay.

    Ang tradisyon ng siyam na araw na pagluluksa o “nine-day novena” ay isang halimbawa ng paggalang at pag-aalaga sa kaluluwa ng yumao. Sa panahon ng pagluluksa, ang mga kamag-anak at kaibigan ay nagtitipon-tipon upang magdasal at magbigay ng respeto sa yumao.

    Habang tumatakbo ang panahon, nananatili pa rin ang mga kaugaliang ito bilang tanda ng paggalang at pag-aalaga sa mga namayapa.

    Ang mga pamahiin sa patay sa bayan ng Homapon ay nagpapakita ng kakaibang kultura at pagpapahalaga sa buhay at kamatayan. Ito ay naglalarawan ng makulay na tradisyon at kaugalian ng pamayanan sa loob ng maraming taon. Ito ay patunay rin na ang pag-aalaga at paggalang sa mga yumao ay malalim nang nakaugat sa puso ng bawat Homaponian.


| Roselle Maravilla

Friday, February 23, 2024

Likhang Kasaysayan: Mga Kwento tungkol sa Pinagmulan ng Pangalan ng Homapon

    Labing pitong minuto o walong kilometrong byahe mula sa kabihasnan ng Lungsod ng Legazpi ay matatagpuan ang payak na pamayanan ng Homapon.

    Ang pangalang Homapon ay hindi lamang simpleng tatak sa mapa. Ito rin ay isang kultural na yaman at kwento ng ng mga ninunong bumangon mula sa pagsubok na dumaan sa kanila.

    Sa kwento ng matatanda, ang baryong ito ay wala pang opisyal na pangalan noong unang panahon. Nang dumating ang mga mananakop na Hapon sa lugar noong 1941, nabalot ng takot at pangamba ang pamayanan. Maya’t mayang dumaraan ang mga eroplanong pandigma at napupuno ng sundalo ang daan. May mga oras ring tanging mga putukan ng baril ang maririnig sa kapaligiran.

    Nagtago sa mga kweba ang mga residente sa paghangad na makaiwas sa anumang kapahamakan. Ang iba naman ay naghukay pa para lamang may mapagtaguan.

    Tunay na madilim ang bahaging ito ng kasaysayan ng lugar. Ngunit, dito rin nagsimula ang pangalang Homapon. 

    Sa kwento ni  Lourdes Mangampo o mas kilala bilang Tiya Lourds, 78, dumating ang mga sundalong Hapon sa lugar nang bandang hapon. Nagtanong ang sundalong banyaga sa dalawang residente kung ano ang tawag sa kanilang lugar. Hindi nila naintindihan ang tanong ngunit sinagot nila ito ng “hapon” sa pag-aakalang iyon ang hinahanap na kasagutan ng mga dayuhan. Kalaunan, naging Homapon ang tawag sa lugar. 

    Sa ibang bersyon ng kwento, madalas umanong inaabot ng hapon ang mga sundalo sa lugar o kung isasalaysay sa lokal na diyalekto, “nahahapunan”. Ito naman umano ang pinagmulan ng noo’y Humapon at naging Homapon sa pagdaan ng panahon. 

    Sa isa pang kwentong bayan, may mga nagsasabing sinumpa ang lugar kung kaya't bumagal ang pag-unlad ng baryo at tila may patuloy na humahadlang sa mga pangarap at ambisyon ng mga taga-Homapon. Ayon sa mga nakatatanda sa lugar, sa kabila ng mga pagsisikap ng mga residente na umunlad, parang may humahatak sa kanila pabalik sa tuwing sila ay  nakararanas na ng pag-angat.

    Ngunit sa kabila ng sumpa at mga pagsubok, hindi nawawala ang pag-asa sa puso ng mga taga-Homapon. Sa bawat araw, patuloy silang nagtatrabaho at nagtutulungan upang baguhin ang kanilang kinabukasan. 

    Ang alaala ng mga Hapon at ang sumpa ng Homapon ay nananatiling bahagi ng kanilang kasaysayan. Sa kabila nito, ang baryong ito ay patuloy na lumalaban upang makamit ang inaasam na magandang kinabukasan. 

    Ang pangalang Homapon, sa kabila ng maraming bersyon ng pinagmulan nito, ay naging simbolo ng tapang at determinasyon para sa mga taong naninirahan dito. Naniniwala silang mayroong liwanag ng pag-asa na naghihintay sa dulo ng daang  kanilang tinatahak tungo sa pag-unlad.


| Pauline Talde

Wednesday, February 21, 2024

Trainer ko, Idolo Ko

    Sa bawat laban at tagumpay ng mga arnisador ng Mataas ng Paaralan ng Homapon, isang pangalan ang laging nababanggit at pinag-uusapan—si Ramcee Aringo, isa sa mga matiyagang tagapagsanay na nagdadala sa kanila sa karangalan at tagumpay.

    Si Ramcee Aringo, isang 30-taong gulang at nakatira sa Crossing, Homapon, Lungsod Legazpi, ay hindi lamang isang tagapagsanay. Siya rin ay isang haligi sa ng arnis sa paaralan. Noong 2011, siya ay opisyal nang kinilala bilang tagapagsanay ng paaralan. Mula noon ay siya na ang sumasanay ng mga bagong miyembro ng kanilang koponan sa ilalim ng pamamalakad ni Rusty Ocampo, ang gurong tagapagpayo.

    Isang arnisador ng kanyang kabataan si Ramcee. Sa loob ng anim na taon mula 2008 hanggang 2014, si Ramcee Aringo ay nagwagi ng 26 na medalya mula sa iba't ibang kompetisyon, kabilang ang Palarong Bicol at Palarong Pambansa. Ipinagmamalaki rin siya matapos hirangin bilang "Athlete of the Year" sa kanilang paaralan.

    Sa kasalukuyan, ang Mataas na Paaralan ng Homapon ay patuloy na nagtatagumpay sa larangan ng arnis, at ang pundasyon ng kanilang tagumpay ay ang disiplina at galing na itinuturo ni Ramcee Aringo. Patuloy niyang ibinabahagi ang kanyang kaalaman, karanasan, at pagmamahal sa sining ng arnis, upang ang bawat manlalaro ay maging handa at magtagumpay sa anumang hamon.

    Para kay Rusty Ocampo, si Ramcee ay hindi lamang isang tagapagsanay sapagkat siya ay bahagi na ng kasaysayan ng paaralan. Isang huwarang arnisador ang makikita sa kanya. Dahil sa kanyang kahusayan, nakilala ang paaralan bilang pinakamahusay sa larangan ng isports na ito.

    Si Ramcee Aringo ay hindi lamang isang tagapagsanay. Siya ay isang idolo, inspirasyon, at haligi ng paaralan sa larangan ng Arnis. Sa kanyang dedikasyon at galing, patuloy niyang pinatutunayan na ang arnis ay hindi lamang isang sining ng pagtatanggol, kundi isang daan tungo sa tagumpay at karangalan.


| Trisha Mae Lerida

Tuesday, February 20, 2024

Boses sa Tahimik na Krisis

    Sa isinagawang pag-aaral ng Guidance Program and Services ng paaralan niton lamang Nobyembre 2023, lumabas na may mga mag-aaral na nakararanas ng pisikal, emosyonal, mental, at seksuwal na pang-aabuso. Gamit ang sarbey tool sa Home, Education/Employment, Eating, Activities, Drugs, Sexuality, Suicide/Depression, and Safety o mas kilala sa tawag na HEEADSSS , napag-alaman na may 221 mag-aaral mula ika-pito hanggang ika-12 baitang ang nakaranas ng suicide ideation. Tila walang mag-aakala na sa maingay at masasayahing mukha ng mga mag-aaral sa paaralan ay may daan-daang Homaponian ang tahimik na nakikipaglaban sa kani-kanilang personal na suliranin.

    Nakaaalarma na nakapagtala ng malaking bilang ang paaralan, partikular sa mga mag-aaral sa junior high school, ng mga kaso ng pang-aabuso sa kani-kanilang mga tahanan. Matatandaan rin na may kaso ng suicide sa mga mag-aaral sa nakalipas na dalawang taon, isa noong 2022 at isa naman nito lamang 2023. 

    Kung ating susuriin, ang sitwasyong ito ay sumasalamin sa lumalalang sakit ng lipunan. Habang ang paaralan ay ginagawa ang lahat upang matulungan ang mga natukoy na mag-aaral, nakapanlulumong iilan lamang ang tunay na may pakialam. 

    Sensitibo man na maituturing ang usapin sa pagkitil ng sariling buhay, hindi ito dapat isawalang bahala lamang. Kung kaya’t nararapat lamang na isulong ang komprehensibong programa partikular sa mental health ng mga mag-aaral upang labanan ang problemang ito.

    Ang mga kadahilanan sa likod ng mga pagpapakamatay ng mga mag-aaral ay marami at mabigat. Sa ilalim ng matinding academic pressure, hindi biro ang pinapasan ng mga estudyante. Ang anxiety at depression na nararanasan ng iilan ay maaaring lumala pa dahil sa mga matinding pressure sa kanilang pag-aaral, social isolation, at mga personal na mga problema sa loob at labas ng paaralan.

    Suluranin rin ang hirap na pagtukoy sa mga kabataang nangangailangan ng tulong. Isa sa pinakamalaking hadlang sa pagtugon sa mental health ay ang umiiral na stigma sa mga taong nangangailangan ng tulong.  Sa kawalan ng tamang suporta at pag-unawa mula sa kanilang mga kapamilya, guro, at mga kaibigan, ang ilan sa kanila ay napipilitang humantong sa ganitong mapanakit na aksyon.

    Dagdag pa rito, ang kakulangan ng tamang suporta at edukasyon tungkol sa mental health ay nagiging isang malaking hadlang.

    Wika nga ni Nancy Orgas, ang licensed Guidance Counselor ng paaralan, "Dapat i-enjoy natin ang mga bagay sa ating palagid, makipag-usap sa magulang at kaibigan, at makisalamuha sa iba."

    Panahon na rin siguro upang baligtarin ang takbo sa tahimik na krisis na ito at unahin naman ang kalusugang pang-emosyonal ng mamamayan.

    Bilang mag-aaral ay nararapat na maging boses tayo ng mga taong naiipit sa tahimik na krisis ng komunidad, magsilbing matatag na pundasyon na kanilang makakapitan sa tuwing hinihila sila ng mga problema. 

    Kailangan rin nating buhayin ang diskusyon tungkol sa mental health sa pamamagitan ng pagpapalakas ng mga support group, mga pag-aaral tungkol sa self-care at stress management, at pagtulong sa mga estudyante na bumuo ng mas makabuluhan at mas may katiyakang pang-araw-araw na pamumuhay.

    Ang mga insidente ng pagpapakamatay, hindi lang ng mga mag-aaral, ay isang bagay na hindi natin dapat isawalang-bahala. Kailangan nating magtulungan upang bigyan ng tamang suporta at solusyon ang mga kabataan na naghihirap. Kung tayo ay magkakaisa at magtutulungan, may pag-asa tayong maibsan ang seryosong suliranin na ito sa ating lipunan.

Sunday, February 18, 2024

HHS Arnis Team humakot ng Medalya sa City Meet '24

    Wagi ang Homapon High School (HHS) Arnis Team sa City Meet 2024 nang tanghaling pangkalahatang kampeon nitong Pebrero 17, 2024 sa Albay Central School, Legazpi City.

    Ipinamalas ng mga atletang Homaponian ang kanilang galing at husay sa likha performance at combative kung saan sila ay naghakot ng mga medalya para sa Mataas na Paaralan ng Homapon. 

    Nanguna sa kategoryang panlalaki at pambabaeng indibidwal at synchronized likha performance sina Jay-ar Antones, Niño Leron, Limuel Pereña, Kahsussi Abadillos, Nica Noveno, Princess Keziah Mendez, at Kim Irish Cabildo. 

    Sa mga paligsahang combative, panalo rin ang mga arnisador ng HHS sa iba’t ibang kategorya. 

    Nagkamit ng gintong medalya si Kahsussi Abadilloss sa kategoryang Pinweight samantalang pilak naman ang naiuwi ni Mark John Espineda.

    Bantay-sarado ang kat
egoryang Bantamweight nang ang bronseng medalya ay mapunta kay Jay Ar Antones.

    Nanguna naman sa kategoryang Featherweight si Nino Leron matapos masungkit ang gintong medalya.

    Sa kategoryang Extra Lightweight, pinuri sina Gea Bravo at Monica Avaluado dahil sa pag-uwi nila ng gintong medalya.

    Para sa mga babaeng arnisador, si Princess Keziah Mendez ang tumanggap ng gintong medalya sa kategoryang Pinweight.

    Sa kategoryang Bantamweight, si Joanna Mae Arana ay nagwagi ng pilak na medalya.

    Sa kategoryang Featherweight, naghatid ng karangalan sina Nica Noveno at Irish Azul nang sila'y mag-uwi ng ginto at tansong medalya.

    Sa kategoryang Extra Lightweight, pinuri sina Gea Bravo at Monica Avaluado dahil sa kanilang tagumpay sa pagkamit ng ginto at pilak na medalya.

    Ang kategoryang Half Lightweight ay dinomina ni Kim Irish Cabildo na nagwagi ng gintong medalya.

    Gabay sa kanilang pagkapanalo ang kanilang tagapagsanay na si Ramcee Aringo at kanilang mga tagapayo na sina Rafael Bongais at Christine Sural. 

    Lalaban sa Palarong Bikol sina Princess Keziah Mendez (Pinweight), Nica Noveno (Featherweight), Gea Bravo (Extra Lightweight), Kim Irish Cabildo (Half Lightweight), Kahsussi Abadillos (Pinweight), Jay-ar Antones (Bantamweight), Niño Leron (Featherweight), at Limuel Pereña (Extra Lightweight) bilang kinatawan ng lungsod. 


|  Jocel Maravilla

Friday, February 16, 2024

Sakripisyo ng Batang Pursigido

    Kapag ayaw, may dahilan. Kapag gugustuhin, may paraan. Hindi hadlang ang kahirapan upang makapagtapos ng pag-aaral sa batang may nais makamtan.

    Sa bawat kita sa pagtitinda, hindi lang basta pera ang pinagsusumikapan. Dala-dala sa sisidlan ng mga paninda ang sipag at tiyaga na nagbibigay pag-asa upang maabot ang pangarap at makaahon mula sa laylayan. 


    Si Zaijan Buena, pangalawa sa apat na magkakapatid at mag-aaral sa ika-7 baitang, ay nagpapamalas ng pagsusumikap sa murang edad upang matustusan ang kanyang pag-aaral at makatulong sa kanyang ina sa pang araw-araw nilang gastusin.

    Kahit nasa elementarya pa lamang, noong buhay pa ang kanyang ama, palagi silang magkasama upang magtrabaho. Nang magpatuloy siya sa kanyang pag-aaral sa sekundarya, sinimulan niyang ipagsabay ang pag-aaral at pagtitinda ng mga produktong iniangkat mula sa kanyang tiyahin tulad ng  ice cream, ice candy, mais, at doughnut. Sa simpleng paraan na ito, hindi lamang siya kumikita para sa kanyang pag-aaral, kundi naging bahagi rin siya ng pagsusumikap ng kanyang ina.

    Bilang isang batang negosyante, batid ni Zaijan na hindi madali ang paglalako ng mga paninda. Sa bawat pag gising niya araw-araw, ang pagsasabay ng pag-aaral at pagtitinda ay isang hamon para sa kanya. Sa halip kasi na lektyur o paggawa ng mga awtput ang gawin niya sa bakanteng oras, nilalaan niya na lang ito sa paglalako ng mga produkto. Ngunit sa kabila ng mga hamong ito, naroon ang kasiyahan sa pagtulong niya sa kanyang pamilya. 

    Hinugot ni Zaijan ang positibong pananaw sa buhay mula sa kanyang ina at sa kanyang yumaong ama. Bagama’t hindi sila pinagkalooban ng karangyaan, nag-uumapaw naman ang pagmamahal at pag-aalaga mula sa kaniyang lola at mga magulang.

    Sa kabila ng mga hamon na kinakaharap ni Zaijan, ang kanyang motibasyon ay kumita ng pera para sa kaniyang pag-aaral at upang makapag-ipon para may mahugot sa oras ng pangangailangan.


| Josie Maravilla

Sunday, February 11, 2024

Galing ng Kamay: Pagsisimula at Pagnenegosyo sa Industriya ng Handicraft

    Sa gitna ng modernong teknolohiya at paglago ng industriya sa bansa, hindi pa rin nawawala ang pagpapahalaga sa gawang kamay at tradisyonal na kasanayan. Sa bawat pirasong nalilikha ng kamay, naroroon ang pagpapahalaga sa kultura, ang pagbabahagi ng pamanang kasanayan, at ang pagbibigay-saya sa bawat tumatangkilik dito.

    Sa isang simpleng pamayanan ng Crossing, Homapon, sa lungsod ng Legazpi ay nakatayo ang "Handicraft", isang munting tahanan para sa mga produktong yaring kamay. Pagmamay-ari ng mag-asawang Romualdo at Evelyn Acuña ang negosyong ito na kanila pang minana sa kanilang mga magulang.

    Ang Handicraft ay hindi lamang isang simpleng tindahan ng mga produktong gawa sa kamay. Ito ay sentro ng kultura at pagpapahalaga sa mga lokal na materyales at tradisyon. Bawat piraso na kanilang likha ay may kwento — isang kwento ng pagmamahal sa sining at dedikasyon sa kasanayan.

    Ang paglikha ng mga magagandang bagay ay bunga ng matiyaga at mabusising proseso ng pagyari. Ang bawat obra ng malikhaing kamay ay nagsisimula sa paghahanda ng mga kakailanganing materyales at susundan ng pagsapoy, pag-hulma, pagsuksuk, at ang panghuli ay ang paglalagay ng hawakan.

    Sa bawat paggawa ng mga produkto tulad ng cocomidrids, fruit tray basket, at flower basket ay nagpapamalas ng obra at sining na may kahulugan. Sa buong proseso ng paglikha ay nagsasalita ang kultura at pagkakakilanlan ng lugar.

    Sa kasalukuyan ay namamayagpag ang obra-maestra ng mag-asawang Acuña. Nakaabot na ito sa iba't ibang sulok ng Bikol. Tinatangkilik na rin ang kanilang mga produkto sa Manila.

    Ngunit, higit pa sa paglikha ng mga magagandang produkto, ang Handicraft ay naglalaan rin ng oportunidad para sa mga lokal na manggagawa na mapalago ang kanilang mga kakayahan at magkaroon ng marangal na hanapbuhay. Sa pamamagitan ng pagtuturo ng pagnenegosyo at pagbibigay ng regular na trabaho, ang Handicraft ay naging bahagi ng mas malawak na pangarap— ang pag-angat ng kanilang pamayanan.

    Ayon sa mag-asawa, ipagpapatuloy nila ang negosyo hanggang kaya pa nila upang makapagtapos sa pag-aaral ang kanilang mga anak at para sa mga supplier na patuloy pa rin tumatangkilik sa gawa nila. Sa paglipas ng panahon, naniniwala silang mamanahin ng kanilang mga anak ang angking galing at pagmamahal sa mga produktong gawang-kamay.

    Ang Handicraft ay higit pa sa isang tindahan. Ito ay isang pandayan ng tagumpay, pakikipagsapalaran, at pagmamahal sa sining. Sa bawat pagbili ng kanilang produkto, ang mga kostumer ay hindi lamang nagtataguyod ng isang negosyo kundi sila rin ay tumatangkilik sa lokal na produkto ng pamayanan.

    Sa bawat likhang-kamay na kanilang nagagawa ay masasalamin ang kahalagahan ng pagiging bukas sa pagbabago at pagtanggap sa kahusayan. Sa modernong panahon kung saan halos lahat ng industriya ay pinapatakbo ng makinarya, mananatili ang Handicraft sa pagyari ng mga obra gamit ang kanilang husay at kamay. Ang mga taong tulad ng mag-asawang Acuña ang dahilan kung bakit nananatiling buhay ang kultura ng Homapon.


| Roselle Maravilla

Friday, January 19, 2024

Campus Ministry sa paaralan inorganisa

    Sa pagnanais na mahikayat at gawing mas aktibo ang mga kabataan sa mga gawaing ispirtwal at mas mapalapit sila sa Panginoon, sa kauna-unahang pagkakaton ay ikinasa ang pagbuo ng Campus Ministry sa Mataas na Paaralan ng Homapon matapos ang buwanang misa sa paaralan nitong Enero 19, 2024.

    Sa pakikipagtulungan ng Parish Commission on Youth ng Parokya ni San Roque, binuo ang ispirituwal na organisasyon ng mga mag-aaral mula sa iba’t ibang baitang sa paaralan.


    Ayon kay Fr. Rex Paul Arjona, ang parish priest sa naturang simbahan, isinagawa ang pagbuo ng campus ministry upang tugunan ang pangangailangang ispiritwal at emosyonal ng mga mag-aaral at maging ng mga guro.

    “Ang pagbuo ng Campus Ministry sa loob ng paaralan ay magsisilbing tulay sa pagitan ng akademiko at ispiritwal na aspekto ng pagkatao ng mga mag-aaral at kaguruan,” pagpapaliwang ni Fr. Arjona.

    Dagdag pa ni Fr. Arjona, ang pagtatatag ng Campus Ministry ay isang inobasyon upang mahikayat ang mga kabataan na iwasan ang mga gawaing labag sa kalooban ng Diyos. 

    “Ang Campus Ministry ay may mahalagang ambag sa buhay ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng pagkakataong makapag nilay-nilay at makapagdasal sa gitna ng mga pagsubok at depresyon na kanilang kinakaharap,” pagbibigay-diin ni Fr. Arjona.

    Ayon naman kay Punongguro Elvira Tusi-Belen, ang pag-organisa ng Campus Ministry ay makatutulong upang mas mapalalim pa ang paniniwala at pananampalataya ng lahat sa Panginoon kasabay ang pagpapahalaga sa kanilang akademikong pag unlad.

    Tinuran naman ni Rafael Bongais, gurong tagapayo ng Campus Ministry, na layunin ng organisasyon na magpatupad ng mga programang makatutulong na mas mahubog pa ang ispirituwal na paniniwala at pananampalataya ng mga Kristiyanong mag- aaral tulad ng lenten recollection, outreach program, youth encounter at prayer meeting.


| Fatima Nuza

Monday, January 15, 2024

Asignaturang Pananaliksik: Multipasakit sa mga Mag-aaral

    Kaalaman nga'y siksik sa pananaliksik, sa bigat naman nito'y bibitayin ka nang patiwarik.

    Sa pagpapatupad ng K to 12 curriculum, maraming mga asignatura ang inalis,
dinagdag, at pinalitan. Ngunit tila 'di masyadong nasuri ang mga asignatura sapagkat kung susuriin, nagkaroon ng multiplisidad ng mga asignaturang pananaliksik na halos magpatumbalik sa mga mag-aaral sa senyor hayskul.

    Apat sa 26 na asignatura sa Senior High School ay pare-parehong ukol sa pananaliksik. Kabilang dito ang Practical Research 1, Practical Research 2, Inquiries, Investigation and Immersion at Capstone Research para sa STEM. Sa dami nito ay hindi na halos magkandaugaga ang mga mag-aaral sa dapat na unahin; ang matuto, magpahinga, o pilitin pang isuksok sa isipan ang bultu-bultong aralin na hirap din silang unawain.

    Upang mahasa ang pag-iisip, kinakailangang magsaliksik. Ngunit sa pagkakataong ito, tila lumabis ang pagnanasa ng nakatatataas at pilit na tinatasa ang kritikal na pag-iisip ng mga mag-aaral makasabay lang sa pag-unlad ng mga karatig bansa.  Maganda man ang layunin nito, marapat  lamang na huwag ipagdikdikan sa mga mag-aaral ang sapilitang pagyapos sa multiplisidad ng mga akademikong gawain. 

  Tunay na marami ang magandang dulot ng asignaturang pananaliksik sa mga mag-aaral. Nagdadala ito ng mga makabagong ideya at humahasa rin sa pagkamalikhain ng mga mag-aaral. Magkagayon pa man, ang isa o dalawang asignatura sa pananaliksik ay sapat na. Ang kalabisan nito ay magdudulot lamang ng burnout sa mga mag-aaral.