Tuesday, February 20, 2024

Boses sa Tahimik na Krisis

    Sa isinagawang pag-aaral ng Guidance Program and Services ng paaralan niton lamang Nobyembre 2023, lumabas na may mga mag-aaral na nakararanas ng pisikal, emosyonal, mental, at seksuwal na pang-aabuso. Gamit ang sarbey tool sa Home, Education/Employment, Eating, Activities, Drugs, Sexuality, Suicide/Depression, and Safety o mas kilala sa tawag na HEEADSSS , napag-alaman na may 221 mag-aaral mula ika-pito hanggang ika-12 baitang ang nakaranas ng suicide ideation. Tila walang mag-aakala na sa maingay at masasayahing mukha ng mga mag-aaral sa paaralan ay may daan-daang Homaponian ang tahimik na nakikipaglaban sa kani-kanilang personal na suliranin.

    Nakaaalarma na nakapagtala ng malaking bilang ang paaralan, partikular sa mga mag-aaral sa junior high school, ng mga kaso ng pang-aabuso sa kani-kanilang mga tahanan. Matatandaan rin na may kaso ng suicide sa mga mag-aaral sa nakalipas na dalawang taon, isa noong 2022 at isa naman nito lamang 2023. 

    Kung ating susuriin, ang sitwasyong ito ay sumasalamin sa lumalalang sakit ng lipunan. Habang ang paaralan ay ginagawa ang lahat upang matulungan ang mga natukoy na mag-aaral, nakapanlulumong iilan lamang ang tunay na may pakialam. 

    Sensitibo man na maituturing ang usapin sa pagkitil ng sariling buhay, hindi ito dapat isawalang bahala lamang. Kung kaya’t nararapat lamang na isulong ang komprehensibong programa partikular sa mental health ng mga mag-aaral upang labanan ang problemang ito.

    Ang mga kadahilanan sa likod ng mga pagpapakamatay ng mga mag-aaral ay marami at mabigat. Sa ilalim ng matinding academic pressure, hindi biro ang pinapasan ng mga estudyante. Ang anxiety at depression na nararanasan ng iilan ay maaaring lumala pa dahil sa mga matinding pressure sa kanilang pag-aaral, social isolation, at mga personal na mga problema sa loob at labas ng paaralan.

    Suluranin rin ang hirap na pagtukoy sa mga kabataang nangangailangan ng tulong. Isa sa pinakamalaking hadlang sa pagtugon sa mental health ay ang umiiral na stigma sa mga taong nangangailangan ng tulong.  Sa kawalan ng tamang suporta at pag-unawa mula sa kanilang mga kapamilya, guro, at mga kaibigan, ang ilan sa kanila ay napipilitang humantong sa ganitong mapanakit na aksyon.

    Dagdag pa rito, ang kakulangan ng tamang suporta at edukasyon tungkol sa mental health ay nagiging isang malaking hadlang.

    Wika nga ni Nancy Orgas, ang licensed Guidance Counselor ng paaralan, "Dapat i-enjoy natin ang mga bagay sa ating palagid, makipag-usap sa magulang at kaibigan, at makisalamuha sa iba."

    Panahon na rin siguro upang baligtarin ang takbo sa tahimik na krisis na ito at unahin naman ang kalusugang pang-emosyonal ng mamamayan.

    Bilang mag-aaral ay nararapat na maging boses tayo ng mga taong naiipit sa tahimik na krisis ng komunidad, magsilbing matatag na pundasyon na kanilang makakapitan sa tuwing hinihila sila ng mga problema. 

    Kailangan rin nating buhayin ang diskusyon tungkol sa mental health sa pamamagitan ng pagpapalakas ng mga support group, mga pag-aaral tungkol sa self-care at stress management, at pagtulong sa mga estudyante na bumuo ng mas makabuluhan at mas may katiyakang pang-araw-araw na pamumuhay.

    Ang mga insidente ng pagpapakamatay, hindi lang ng mga mag-aaral, ay isang bagay na hindi natin dapat isawalang-bahala. Kailangan nating magtulungan upang bigyan ng tamang suporta at solusyon ang mga kabataan na naghihirap. Kung tayo ay magkakaisa at magtutulungan, may pag-asa tayong maibsan ang seryosong suliranin na ito sa ating lipunan.

No comments:

Post a Comment