Umuwi ng karangalan ang mga piling mag-aaral ng Mataas na Paaralan ng Homapon matapos nilang manalo sa iba’t ibang kompetisyon mula dibisyon hanggang internasyonal na lebel sa unang tatlong kwarter ng taong panuruan 2023 - 2024.
Umarangkada si Jilliane Mae Bitara ng 11-ABM sa mga kompetisyon sa matematika ngayong taon kabilang ang pagkilala bilang Merit Awardee sa International Vedic Mathematics Olympiad nito lamang Nobyembre 5, 2023.
Pumangalawa rin si Bitara sa Math Device kasama si Jenica Joy Mirabueno sa ginanap na 2023 Division Mathematics Fair nitong Disyembre 9, 2023.
Kinilala rin bilang Merit Awardees sina Bitara, James Rapirap, at Angel Lucero sa 4th Philippine National Vedic Mathematics Olympiad nitong Oktubre 7, 2023.
“Malaking tulong ang MATH Plus, isang komprehensibong pagsasanay sa matematika ng paaralan, upang mas mahubog ang aking kasanayan sa matematika at manalo sa mga patimpalak,” pahayag ni Bitara.
Bumida rin sina Ailyn Zamora ng baitang 10 at Rommela Faye Alamil nang makuha ang ikatlong pwesto sa provincial elimination ng Regional Consumerism Challenge nitong Oktubre 16, 2023.
Kinilala rin sina Rona Apuyan at Roselle Maravilla, parehong mag-aaral sa Baitang 12, matapos nilang masungkit ang ikalawang pwesto sa pagsulat ng rawit-dawit at sanaysay sa ginanap na Araw ng Kabataan sa Lalawiga ng Albay nitong Agosto 31, 2023.
| Blessy Alegre
No comments:
Post a Comment