Friday, February 16, 2024

Sakripisyo ng Batang Pursigido

    Kapag ayaw, may dahilan. Kapag gugustuhin, may paraan. Hindi hadlang ang kahirapan upang makapagtapos ng pag-aaral sa batang may nais makamtan.

    Sa bawat kita sa pagtitinda, hindi lang basta pera ang pinagsusumikapan. Dala-dala sa sisidlan ng mga paninda ang sipag at tiyaga na nagbibigay pag-asa upang maabot ang pangarap at makaahon mula sa laylayan. 


    Si Zaijan Buena, pangalawa sa apat na magkakapatid at mag-aaral sa ika-7 baitang, ay nagpapamalas ng pagsusumikap sa murang edad upang matustusan ang kanyang pag-aaral at makatulong sa kanyang ina sa pang araw-araw nilang gastusin.

    Kahit nasa elementarya pa lamang, noong buhay pa ang kanyang ama, palagi silang magkasama upang magtrabaho. Nang magpatuloy siya sa kanyang pag-aaral sa sekundarya, sinimulan niyang ipagsabay ang pag-aaral at pagtitinda ng mga produktong iniangkat mula sa kanyang tiyahin tulad ng  ice cream, ice candy, mais, at doughnut. Sa simpleng paraan na ito, hindi lamang siya kumikita para sa kanyang pag-aaral, kundi naging bahagi rin siya ng pagsusumikap ng kanyang ina.

    Bilang isang batang negosyante, batid ni Zaijan na hindi madali ang paglalako ng mga paninda. Sa bawat pag gising niya araw-araw, ang pagsasabay ng pag-aaral at pagtitinda ay isang hamon para sa kanya. Sa halip kasi na lektyur o paggawa ng mga awtput ang gawin niya sa bakanteng oras, nilalaan niya na lang ito sa paglalako ng mga produkto. Ngunit sa kabila ng mga hamong ito, naroon ang kasiyahan sa pagtulong niya sa kanyang pamilya. 

    Hinugot ni Zaijan ang positibong pananaw sa buhay mula sa kanyang ina at sa kanyang yumaong ama. Bagama’t hindi sila pinagkalooban ng karangyaan, nag-uumapaw naman ang pagmamahal at pag-aalaga mula sa kaniyang lola at mga magulang.

    Sa kabila ng mga hamon na kinakaharap ni Zaijan, ang kanyang motibasyon ay kumita ng pera para sa kaniyang pag-aaral at upang makapag-ipon para may mahugot sa oras ng pangangailangan.


| Josie Maravilla

No comments:

Post a Comment