Friday, February 23, 2024

Likhang Kasaysayan: Mga Kwento tungkol sa Pinagmulan ng Pangalan ng Homapon

    Labing pitong minuto o walong kilometrong byahe mula sa kabihasnan ng Lungsod ng Legazpi ay matatagpuan ang payak na pamayanan ng Homapon.

    Ang pangalang Homapon ay hindi lamang simpleng tatak sa mapa. Ito rin ay isang kultural na yaman at kwento ng ng mga ninunong bumangon mula sa pagsubok na dumaan sa kanila.

    Sa kwento ng matatanda, ang baryong ito ay wala pang opisyal na pangalan noong unang panahon. Nang dumating ang mga mananakop na Hapon sa lugar noong 1941, nabalot ng takot at pangamba ang pamayanan. Maya’t mayang dumaraan ang mga eroplanong pandigma at napupuno ng sundalo ang daan. May mga oras ring tanging mga putukan ng baril ang maririnig sa kapaligiran.

    Nagtago sa mga kweba ang mga residente sa paghangad na makaiwas sa anumang kapahamakan. Ang iba naman ay naghukay pa para lamang may mapagtaguan.

    Tunay na madilim ang bahaging ito ng kasaysayan ng lugar. Ngunit, dito rin nagsimula ang pangalang Homapon. 

    Sa kwento ni  Lourdes Mangampo o mas kilala bilang Tiya Lourds, 78, dumating ang mga sundalong Hapon sa lugar nang bandang hapon. Nagtanong ang sundalong banyaga sa dalawang residente kung ano ang tawag sa kanilang lugar. Hindi nila naintindihan ang tanong ngunit sinagot nila ito ng “hapon” sa pag-aakalang iyon ang hinahanap na kasagutan ng mga dayuhan. Kalaunan, naging Homapon ang tawag sa lugar. 

    Sa ibang bersyon ng kwento, madalas umanong inaabot ng hapon ang mga sundalo sa lugar o kung isasalaysay sa lokal na diyalekto, “nahahapunan”. Ito naman umano ang pinagmulan ng noo’y Humapon at naging Homapon sa pagdaan ng panahon. 

    Sa isa pang kwentong bayan, may mga nagsasabing sinumpa ang lugar kung kaya't bumagal ang pag-unlad ng baryo at tila may patuloy na humahadlang sa mga pangarap at ambisyon ng mga taga-Homapon. Ayon sa mga nakatatanda sa lugar, sa kabila ng mga pagsisikap ng mga residente na umunlad, parang may humahatak sa kanila pabalik sa tuwing sila ay  nakararanas na ng pag-angat.

    Ngunit sa kabila ng sumpa at mga pagsubok, hindi nawawala ang pag-asa sa puso ng mga taga-Homapon. Sa bawat araw, patuloy silang nagtatrabaho at nagtutulungan upang baguhin ang kanilang kinabukasan. 

    Ang alaala ng mga Hapon at ang sumpa ng Homapon ay nananatiling bahagi ng kanilang kasaysayan. Sa kabila nito, ang baryong ito ay patuloy na lumalaban upang makamit ang inaasam na magandang kinabukasan. 

    Ang pangalang Homapon, sa kabila ng maraming bersyon ng pinagmulan nito, ay naging simbolo ng tapang at determinasyon para sa mga taong naninirahan dito. Naniniwala silang mayroong liwanag ng pag-asa na naghihintay sa dulo ng daang  kanilang tinatahak tungo sa pag-unlad.


| Pauline Talde

No comments:

Post a Comment