Tahimik, maganda, at puno ng buhay— ganito kung ilarawan ang Mangrove View Leisure Hub na matatagpuan sa sa isang tahanan ng kalikasan sa Anonang, Homapon, Legazpi City. Kilala ang lugar bilang isang lihim na oasis, kung saan ang mga kahoy ng mangroves ay hindi lamang sumisimbolo ng lakas at suporta, kundi pati na rin ng yaman ng kalikasang taglay ng lugar na dapat pangalagaan.
Ang Mangrove View Leisure Hub ay pagmamay-ari ni Paul Acuña, isang residente ng Daraga, Albay. Ang lugar ay matagal nang nagbibigay ng pahinga, saya at inspirasyon sa mga naging bisita nito.Muli itong binuksan sa mga bisita noong 2022 matapos nitong magsara noong pandemik. Ang pagbubukas nito sa publiko ay pagbibigay rin ng pagkakataong masilayan ang kahanga-hangang kagandahan ng kalikasan.
Bukod sa natural na ganda ng lugar, mayroon ding mga pasilidad na inaalok ang Mangroves para sa mga bisita. Sa napakababang halaga ng entrance fee na ₱P 30.00 ay maaari nang magamit ang mga kagamitang panluto, bluetooth speaker, lamesa, at upuan. Ang sariwang berdeng damo ang nagbibigay ng aliwalas at kapayapaan sa lugar. May mga upuan rin na gawa sa kahoy na nag-aanyong pahingahan sa ilalim ng mga puno habang minamasdan ang magandang tanawin nito.
Ang lugar ay mayroon ding hagdan na may mga nakasabit na bumbilya, na nagbibigay ng romantikong atmospera sa gabi. Hindi rin mawawala ang mga gawaing-panlibang tulad ng pamamangka at pangingisda. Maaaring bayaran ang mga nahuling isda depende sa dami at bigat ng mga ito.
Para sa mga nais magpahinga nang mas matagal, mayroong dalawang kwarto na may aircon na maaaring tuluyan. Ayon sa katiwala, maaari ring gamitin ang Mangroves para sa simpleng selebrasyon tulad ng kaarawan at kasal, dahil sa tahimik at maganda nitong kapaligiran.
Ang pag-usbong ng Mangroves bilang pook-pasyalan sa lugar ay hindi lamang isang indikasyon ng pag-unlad ng pamayanan, kundi pati na rin ng pagpapahalaga natin sa kalikasan.
Sa huli, ang Mangroves ay hindi lamang isang atraksyon; ito ay isang paalala na ang kagandahan ng kalikasan ay dapat pangalagaan at pahalagahan para sa kasalukuyan at sa susunod pang mga henerasyon.
No comments:
Post a Comment