Ang bawat kultura sa mundo ay mayroong mga paniniwala at tradisyon patungkol sa kamatayan. Ito ay naglalarawan hindi lamang ng mga relihiyosong paniniwala, kundi pati na rin ng ugnayan at paggalang sa mga yumao. Sa pamayanan ng Homapon, ang mga pamahiin sa patay ay bahagi ng mga kaugalian at tradisyon na may malalim na kahulugan.
Ang mga paniniwala ng mga lokal na mamamayan ng Homapon ay walang siyentipikong batayan. Ang mga ito ay naipasa sa mga nakaraang henerasyon hanggang sa kasalukuyan dahil ito na ang nakagawian sa lugar. Halimbawa na lang nito ay ang paniniwalang ang itim na paru-paro at mga langgam ay nagbibigay hudyat na may taong mamamaalam. Gayunpaman, pinapayabong ng mga ganitong paniniwala ang kultural na yaman ng lugar.
May mga kinagisnang gawain rin ang mga lokal na residente kapag may yumao sa lugar. Bago pa dumating ang kabaong sa bahay, nararapat lamang na nakapaglinis na sa lugar ng paglalamayan sa paniniwalang isang malinis na kapaligiran ang dapat na sumalubong sa namatay.
Kapag dumating na ang kabaong ng yumao ay mas marami pa ang pinagbabawal ayon sa mga pamahiin ng mga matatanda. Nariyan ang pagbawawal sa pagmamano, pagwawalis, panunuklay, pagpapaalam kapag aalis na, pagdadala ng pagkain galing burol, pagpapatong-patong ng mga plato sa hapag-kainan, paliligo sa bahay kung saan ginagawa ang lamay sa patay, at pag-upo sa upuan ng asawa ng namatay. Tiyakin rin na hindi mapatakan ng luha ang kabaong ng yumao.
Wala mang siyentipikong dahilan ang mga pamahiing ito, patuloy pa rin itong ginagawa ng mga tao sa pamayanan. Sa katunayan, sa araw ng libing, pinagbabawal ang pagbubuhat ng mga kamag-anak sa kabaong ng yumao. Pinagbabawal din na bisitahin ang asawa ng namatay sa loob ng tatlong araw matapos ang libing. Higit sa lahat, matapos ang libing, kailangang maglibot ang naiwang pamilya ng yumao sa kanilang bahay at huwag kalimutang maghugas ng kamay.
Ang tradisyon ng siyam na araw na pagluluksa o “nine-day novena” ay isang halimbawa ng paggalang at pag-aalaga sa kaluluwa ng yumao. Sa panahon ng pagluluksa, ang mga kamag-anak at kaibigan ay nagtitipon-tipon upang magdasal at magbigay ng respeto sa yumao.
Habang tumatakbo ang panahon, nananatili pa rin ang mga kaugaliang ito bilang tanda ng paggalang at pag-aalaga sa mga namayapa.
Ang mga pamahiin sa patay sa bayan ng Homapon ay nagpapakita ng kakaibang kultura at pagpapahalaga sa buhay at kamatayan. Ito ay naglalarawan ng makulay na tradisyon at kaugalian ng pamayanan sa loob ng maraming taon. Ito ay patunay rin na ang pag-aalaga at paggalang sa mga yumao ay malalim nang nakaugat sa puso ng bawat Homaponian.