Kung hindi napaghandaan ang programang magpapausad sana sa sistema ng ating edukasyon, tiyak ang napag-iwanan ay mananatiling nasa hulihan.
Nakapanlulumo ang paulit-ulit na lang na napag-iiwanan. Sa nakaraang resulta ng Program for International Students Assessment (PISA) ay pumangalawa mula sa hulihan ang Pilipinas. Maging sa Trends in International Mathematics and Science Studies (TIMSS), nasa hulihan pa rin ang bansa. Kung kaya’t pinagsusumikapan ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) na gawing hakbang ang Catch-up Fridays upang paunti-unting umangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa.Inilabas ng DepEd ang Memorandum Blg. 1, s. 2024 o mas kilala bilang Catch-up Fridays nito lamang Enero 12 sa pagnanais na matamasa ang edukasyong de-kalidad, nauukol, inklusibo, at tumutugon sa pangangailangan ng bawat Pilipinong mag-aaral. Nakasaad din sa programa ang pagpapaigting sa foundational, social at iba pang mahahalagang kasanayan para sa mga mag-aaral upang maisakatuparan ang pangunahing layunin ng batayang edukasyon- ang magkaroon ng sapat at mahusay na kalinangan. Bibigyang- diin rin ng Catch-Up Fridays ang edukasyong pagpapakatao, pangkalusugan, at pangkapayapaan na tila nakalimutan na ng henerasyong ito.
Walang masama sa pagnanais ng nakatataas na Kagawaran na makahabol o 'di kaya naman ay mahigitan pa ang mga karatig nating bansa pagdating sa mga internasyonal na pagtataya. Ngunit sa pagmamadaling makahabol, tila nawala sa proseso ang salitang "paghahanda" bago ang implementasyon nito. Huwag naman sanang ipagsiksikan pa sa mga kaaba-abang guro at mag-aaral ang Catch-up Fridays kung hindi pa tiyak ang direksyong tatahakin ng programa.
Alalahanin sana ng pamahalaan na salat sa pinansyal na suporta at kagamitan ang mga pampublikong paaralan. Ito ay binigyang punto ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) sa isang panayam matapos mabigo ang Kagawaran na maglaan ng sapat na kagamitang kinakailangan sa pagsasakatuparan ng mga layunin ng Catch-up Fridays. Labag man sa kalooban ng ilang guro, kinakailangan nilang tustusan ang kakulangan sa kagamitan ng mga mag-aaral masunod lamang ang layunin ng huwad na programa sa edukasyon. Malinaw na hindi hakbang sa pagkamit ng maayos na edukasyon ang agarang pagpapatupad ng isang programang hindi napaghandaan. Sa halip, iniiwan lamang nitong butas ang bulsa ng mga guro.
Hindi masamang humabol kapag napag-iiwanan kung isasaalang-alang ang kahandaan sa pagpapatupad ng isang programa tulad nitong Catch-up Fridays. Hindi matutuldukan ng agarang pagpapatupad ng programa ang halos isang daang taon ng sakit sa sistema ng edukasyon. Sa halip na makahabol ang bansa mula sa hulihan, baka tayo ay mas lalong malugmok sa ibaba.
| Mary Rose Baldon
No comments:
Post a Comment