Sa pagnanais na mahikayat at gawing mas aktibo ang mga kabataan sa mga gawaing ispirtwal at mas mapalapit sila sa Panginoon, sa kauna-unahang pagkakaton ay ikinasa ang pagbuo ng Campus Ministry sa Mataas na Paaralan ng Homapon matapos ang buwanang misa sa paaralan nitong Enero 19, 2024.
Sa pakikipagtulungan ng Parish Commission on Youth ng Parokya ni San Roque, binuo ang ispirituwal na organisasyon ng mga mag-aaral mula sa iba’t ibang baitang sa paaralan.
Ayon kay Fr. Rex Paul Arjona, ang parish priest sa naturang simbahan, isinagawa ang pagbuo ng campus ministry upang tugunan ang pangangailangang ispiritwal at emosyonal ng mga mag-aaral at maging ng mga guro.
“Ang pagbuo ng Campus Ministry sa loob ng paaralan ay magsisilbing tulay sa pagitan ng akademiko at ispiritwal na aspekto ng pagkatao ng mga mag-aaral at kaguruan,” pagpapaliwang ni Fr. Arjona.
Dagdag pa ni Fr. Arjona, ang pagtatatag ng Campus Ministry ay isang inobasyon upang mahikayat ang mga kabataan na iwasan ang mga gawaing labag sa kalooban ng Diyos.
“Ang Campus Ministry ay may mahalagang ambag sa buhay ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng pagkakataong makapag nilay-nilay at makapagdasal sa gitna ng mga pagsubok at depresyon na kanilang kinakaharap,” pagbibigay-diin ni Fr. Arjona.
Ayon naman kay Punongguro Elvira Tusi-Belen, ang pag-organisa ng Campus Ministry ay makatutulong upang mas mapalalim pa ang paniniwala at pananampalataya ng lahat sa Panginoon kasabay ang pagpapahalaga sa kanilang akademikong pag unlad.
Tinuran naman ni Rafael Bongais, gurong tagapayo ng Campus Ministry, na layunin ng organisasyon na magpatupad ng mga programang makatutulong na mas mahubog pa ang ispirituwal na paniniwala at pananampalataya ng mga Kristiyanong mag- aaral tulad ng lenten recollection, outreach program, youth encounter at prayer meeting.
| Fatima Nuza