Wednesday, March 27, 2024

Happy School Project inilunsad ng DepEd Legazpi____ Imprastraktura sa paaralan binigyang prayoridad

     Inilunsad ng Dibisyon ng Lungsod ng Legazpi ang Happy School Project upang matiyak na binibigyang pagpapahalaga at prayoridad ng paaralan katuwang ang mga stakeholder nito ang kahalagahan ng isang malinis, maayos at ligtas na kampus, at dekalidad na edukasyon ng mga mag-aaral alinsunod sa inilabas na Division Memorandum 81 s 2024 nito lamang Pebrero 28.

    Bilang tugon ng paaralan sa layuning mabigyan ng ligtas, malinis at maayos na kampus ang mga mag-aaral ay pinangunahan ni Punongguro Elvira Tusi-Belen at ng mga bagong halal na opisyales ng School Parents-Teachers Association (SPTA) ang pagpaplano at pagpapatupad ng mga programa sa ilalim ng Happy School Project, kabilang na rito ang pagbibigay prayoridad sa imprastraktura ng lugar.

    Bago pa man ilunsad ang Happy School Project, maigting nang pinatupad ni Belen ang pagpapanatili ng kalinisan ng kampus at pagkukumpuni sa mga silid-aralan gamit ang Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng paaralan.

    Sa inilabas na ulat ng paaralan sa Transparency Board sa una at ikalawang kwarter ng taon, napaayos ng paaralan ang apat na silid-aralan, nakumpuni ang mga kulang na jalousy ng mga silid aralan sa senyor hayskul, muling nagamit ang mga sirang palikuran, napaganda ang kampus, at napatupad ang patakarang “Basura Mo, sa Bulsa Mo”. Ang lahat ng ito ay naisakatuparan upang maibsan ang basura at mapanatili ang kaayusan sa loob ng kampus.

    Pinangunahan rin ni SPTA President Marlon Andes, kasama ang iba pang mga opisyales at magulang, ang malawakang pagpapaunlad ng imprastraktura sa kampus sa buong buwan ng Pebrero at Marso, 2024.

    Sinimulan ang pagpipintura ng mga gusali ng paaralan, pagkumpuni ng mga silid-aralan, at muling pagtataguyod ng “Gulayan sa Paaralan” katuwang ang mga stakeholder sa ilalim ng TUPAD Program ng pamayanan nito lamang Pebrero 19.

    Sa tulong naman ng Homeroom PTA sa junior high school ay nagawang magkaroon ng mga learning hub at student lounge sa loob ng kampus.

    “Sa pagtutulungan ng lahat, nagawa ng paaralan na maging isang Happy School,” pahayag ni Belen.


| Jilliane Mae Bitara

Friday, March 15, 2024

San Vicente Ferrer: Patotoo ng Pananampalataya

    Matatagpuan sa puso ng Homapon sa Lungsod ng Legazpi ang kapilya ni San Vicente Ferer na tumatayo bilang tanglaw ng ispirituwal na kasiyahan at pakikisangkot sa Diyos. Ang simpleng kapilyang ito, na itinatag sa dakilang patrono ng mga himala, ay naging tanyag dahil sa mga kwentong himala at hindi kapani-paniwalang pangyayari.

    Itinayo ng mga deboto sa lokal na pamayanang ang kapilya ni San Vicente Ferrer isang dekada na ang nakalipas. Naitayog ang kapilya sa matinding pagnanais ng mga taga-Homapon na magtatag ng lugar kung saan ang mga  lokal na residente ay maaaring makapagsamba. Sa pagdaan ng panahon, dumami ang mga naging deboto nito kasabay ng mga kwentong himala at kabanalan, dahilan upang mas dumami pa ang mga deboto ni San Ferrer mula sa loob at labas ng pamayanan.

    Libu-libong kwento ng himala ang naging usap-usapan sa loob at labas ng kapilyang ito. Isa na rito ang kwento ni Lola Tuting tungkol sa paggaling ng mga kakilala niyang may sakit, at mga hindi maipaliwanag na proteksyong natatanggap ng mga deboto mula sa mga sakuna.

    Sa kabila ng mga kakaibang himala, ang Kapilya ni San Vicente Ferrer ay tila isang tahanang pinagmumulan ng pag-asa para sa mga taong may kinakaharap na mabigat na suliranin at pagsubok sa buhay. Ang kapilya ni San Vicente Ferrer ang takbuhan ng mga debotong naghahanap ng kahulugan sa panahon ng kawalan ng katiyakan o pagpapasasalamat sa Panginoon para sa mga biyayang natanggap. Ang mga mananampalataya ay nakararamdam ng kaligayahan at kapanatagan sa payapang yakap ng banal na tahanan ni San Vicente Ferrer.

    Kwento naman ng isa pang residente ng barangay, “Meron ako noong mga bukol sa iba ibang parte ng katawan pero nawala ang mga ito noong nagsimula akong manampalataya. Kaya naman talagang naniniwala ako sa himala ni San Vicente Ferrer.” Ang kwentong ito ay lumaganap sa mga karatig na pamayanan dahilan upang mas dumami ang deboto ng santo.

    Sa pangangalap ng datos ng patnugutan, lumabas rin ang maraming katuparan sa mga dasal na nilalapit kay San Vicente Ferrer, hindi lamang ng mga matatanda kundi maging ng mga kabataan. Kabilang na rito ang mga kwentong biyaya mula sa mga taong pumasa sa iba't ibang board exam matapos ang taimtim na pagdarasal sa santo.Hiling rin ng mga mag-aaral, lalo na ang mga magsisipagtapos sa hayskul at kolehiyo, ang  maipasa ang mga pangunahing pagsusulit. Nariyan rin ang mga dasal ng mga mag-aaral sa tuwing may mga lalahukang kompetisyon. May mga reseidente rin ng Homapon ang nananatiling deboto ng santo dahil sa mga himala ng pagpapagaling sa mga iniindang karamdaman.

    Ang patuloy na pagdami ng mga mananampalataya kay San Vicente Ferrer ay hindi lamang dahil sa mga himalang kanilang hinihingi kundi pati na rin sa hindi mabilang na mananampalataya sa Panginoon. Ito ay isang patotoo sa malalim na paniniwala at pananampalataya ng mga tao sa Diyos at sa tulong na rin ng mga santo, kabilang si San Vicente Ferrer.

    Sa isang mundong kadalasang sinalanta ng kawalan ng katiyakan, ang santo na si San Vicente Ferrer ay tumatayo bilang matibay na tanglaw ng pag-asa at paalala sa mga deboto sa kapangyarihan ng pananampalataya. Habang patuloy na nagtutungo ang mga deboto sa banal na espasyong ito, ang mga kuwento ng mga himala sa nakaraan at kasalukuyan ay patuloy na nagbibigay-inspirasyon at nagsisilbing patotoo sa walang hanggang biyaya ni San Vicente Ferrer.


| Ramy Jello Alamo

Thursday, March 14, 2024

Mangrove View Leisure Hub: Bagong Pasyalang Handog ng Homapon

    Tahimik, maganda, at puno ng buhay— ganito kung ilarawan ang Mangrove View Leisure Hub na matatagpuan sa sa isang tahanan ng kalikasan sa Anonang, Homapon, Legazpi City. Kilala ang lugar bilang isang lihim na oasis, kung saan ang mga kahoy ng mangroves ay hindi lamang sumisimbolo ng lakas at suporta, kundi pati na rin ng yaman ng kalikasang taglay ng lugar na dapat pangalagaan.

    Ang Mangrove View Leisure Hub ay pagmamay-ari ni Paul Acuña, isang residente ng Daraga, Albay. Ang lugar ay matagal nang nagbibigay ng pahinga, saya at inspirasyon sa mga naging bisita nito. 

    Muli itong binuksan sa mga bisita noong 2022 matapos nitong magsara noong pandemik. Ang pagbubukas nito sa publiko ay pagbibigay rin ng pagkakataong masilayan ang kahanga-hangang kagandahan ng kalikasan.

    Bukod sa natural na ganda ng lugar, mayroon ding mga pasilidad na inaalok ang Mangroves para sa mga bisita. Sa napakababang halaga ng entrance fee na ₱P 30.00 ay maaari nang magamit ang mga kagamitang panluto, bluetooth speaker, lamesa, at upuan. Ang sariwang berdeng damo ang nagbibigay ng  aliwalas at kapayapaan sa lugar. May mga upuan rin na gawa sa kahoy na nag-aanyong pahingahan sa ilalim ng mga puno habang minamasdan ang magandang tanawin nito.

    Ang lugar ay mayroon ding hagdan na may mga nakasabit na bumbilya, na nagbibigay ng romantikong atmospera sa gabi. Hindi rin mawawala ang mga gawaing-panlibang tulad ng pamamangka at pangingisda. Maaaring bayaran ang mga nahuling isda depende sa dami at bigat ng mga ito.

    Para sa mga nais magpahinga nang mas matagal, mayroong dalawang kwarto na may aircon na maaaring tuluyan. Ayon sa katiwala, maaari ring gamitin ang Mangroves para sa simpleng selebrasyon tulad ng kaarawan at kasal, dahil sa tahimik at maganda nitong kapaligiran.

    Ang pag-usbong ng Mangroves bilang pook-pasyalan sa lugar ay hindi lamang isang indikasyon ng pag-unlad ng pamayanan, kundi pati na rin ng pagpapahalaga natin sa kalikasan. 

    Sa huli, ang Mangroves ay hindi lamang isang atraksyon; ito ay isang paalala na ang kagandahan ng kalikasan ay dapat pangalagaan at pahalagahan para sa kasalukuyan at sa susunod pang mga henerasyon.


| Claire Joy Ardales

Monday, March 4, 2024

Paglagay ng CCTV sa kampus, naisakatuparan

Apat na bagong CCTV camera ang naikabit sa mga istratehikong lugar sa kampus ng Mataas na Paaralan ng Homapon nitong Marso 5, 2024.

    Kasama sa ipinasang Annual Implementation Plan (AIP) ng paaralan para sa kasalukuyang taong panuruan ang paglalaan ng badjet upang maisakatuparan ang pagpapakabit ng mga CCTV sa kampus. 

    Layunin ng proyektong ito na mapadali ang pag-monitor at mabigyan ng karagdagang proteksyon ang bawat nasa loob ng kampus mula sa mga hindi inaasahan at masasamang insidente.

    “Malaking tulong ang pagkakaroon ng mga CCTV sa paaralan lalo na sa pagpapanatili ng seguridad ng mga mag-aaral at kawani sa kampus, mas mabilis na pagtugon sa mga insidente, pag-iingat sa lahat ng asset o pagmamay-ari ng paaralan, at pag-momonitor sa mga gawain sa loob ng kampus,” pagpapaliwang ni Punongguro Elvira Tusi-Belen.

    Tinukoy rin ni Eduardo Leron, watchman ng paaralan, ang mga naitalang kaso ng pagnanakaw na naganap ng nakaraang taon.

    Sinang-ayunan naman ni Guidance Counselor Nancy Orgas ang layunin ng paaralan sa paglalagay ng mga CCTV.

    Ayon kay Orgas, malaking tulong rin ang pagkakaroon ng CCTV upang maiwasan o hindi kaya naman ay makatulong sa pag-imbestiga sa mga kaso ng away o bullying sa kampus.

    Dagdag pa ni Belen, ang mga CCTV sa paaralan ay maaaring magsilbing bahagi ng pangkalahatang estratehiya sa seguridad at pamamahala ng paaralan upang mapanatili ang kaayusan, kaligtasan at kaginhawaan ng lahat ng mga kasapi at stakeholder ng paaralan.


| Fatima Nuza