Sa kauna- unahang pagkakataon, nailimbag ang isang akademikong pananaliksik mula sa Mataas na Paaralan ng Homapon sa internasyunal na lebel matapos mailathala ang pag-aaral ni Jean Pauline Pocaan, guro sa senyor hayskul, ng Association of Southeast Asian Teacher Education Network (ASTEN) sa kanilang internasyunal na journal nitong Disyembre 28, 2023.
Dumaan sa mahigpit na proseso bago mailathala ang pag-aaral ni Pocaan na may pamagat na “Social Support Systems and Needs of Private SHS Teachers in Writing Research”.
“Bago pa man matanggap ang aking lokal na pag-aaral ng ASTEN, dumaan muna ito sa sa ilang ulit
na komprehensibong pagrerebisa batay sa mga komento ng kapwa ko mananaliksik sa ibang bansa kung kaya isang karangalang maituturing ang mailathala ito sa mga Scopus Indexed Journal tulad nito,” pagpapaliwanag ni Pocaan.
Maaaring ma-access ang akademikong pananaliksik ni Pocaan sa mga kilalang platform online tulad ng ResearchGate at Google Scholar.
Ayon naman sa punongguro, Elvira Tusi-Belen, pinapahalagahan ng paaralan ang akademikong pakikilahok ng mga guro lalong lalo na sa larangan ng pananaliksik.
Matatandaan na bago pa man nailathala sa internasyunal na platform ang pag-aaral ni Pocaan ay may dalawa pang lokal na pananaliksik ang nagawa ng iba pang guro na sina Kharla Jane Estrada at Edgar Arciga Jr, parehong guro sa senyor hayskul, noong 2019.
Pinondohan ang pag-aaral nina Estrada at Arciga ng Lokal na Pamahalaan ng Lungsod ng Legazpi gamit ang Special Education Funds.
“Naniniwala ang paaralan na kapag aktibo ang mga guro sa pananaliksik, sila ay makatutulong upang maging mas epektibo at dekalidad ang edukasyong binibigay ng paaralan sa mga mag-aaral at maging sa buong sektor ng edukasyon,” dagdag pa ni Belen.
Mas palalawigin pa ng paaralan ang mga pagkakataong maging bahagi sa mga akademikong pananaliksik hindi lamang ang mga guro kundi maging ang mga mag-aaral.
| James Rapirap