Maputik, lubak- lubak, at makipot- ilan lamang ang mga ito sa paglalarawan ng dalawang landas ng buhay. Ang una ay patungo sa maganda at maayos na kinabukasan at ang pangalawa naman ay para makatulong sa pansamantalang pagtustos ng pinansyal na pangangailangan. May iilan din na pinipiling pagdugtungin ang dalawang daan sa kanilang buhay at sila ang mga working student.
Kung ating susuriin ang datos ng paaralan sa inilabas nitong School Report Card 2022, 36 bahagdan ng mga tumigil sa paaralan ay dahil sa maagang pagtatrabaho samantalang 16% naman ang dahil sa pinansyal na suliranin. Dahil dito, hindi na nakagugulat kung maraming mag-aaral sa Mataas na Paaralan ng Homapon ang pinagsasabay ang edukasyon at paghahanap-buhay upang makamtan ang maayos, magaan at magandang kinabukasan. Ang kagandahan dito, karamihan sa kanila ay nangunguna rin sa klase at tumatanggap ng parangal sa bawat pagtatapos ng kuwarter.
Si Edmund Mendez ay isang working student, mag-aaral sa ika- 12 na baitang sa Strand na Accountancy, Business and Management (ABM). Halos tatlong araw siyang naghahanapbuhay sa isang linggo at ang natitirang araw ay nilalaan sa pagpasok sa paaralan.
Sa loob ng isang araw ay mahigit sampung oras siyang nagtatrabaho bilang tagabantay ng tindahan at kung minsan ay suma-sideline sa pagka-car wash. Ginagawa niya ang mga ito upang tustusan hindi lamang ang kaniyang pinansyal na pangangailangan kundi maging ng kaniyang pamilya.
Mula sa pagtatrabaho, uuwi nang pagod ang katawan at utak, matutulog ng tatlo hanggang apat na oras, at saka muling gigising para pumasok sa paaralan. Kaniyang tinitiyak na may mauuwing bagong karunungang dadagdag sa kaniyang pagpupursige para maabot ang mga pangarap.
“Wala namang madali sa pagiging working student. Isang hamon kung paano mo hahatiin ang oras mo sa trabaho, pag-aaral, pamilya pati na rin sa sarili,” aniya ni Edmund.
Sa pagpupursige sa pag-aaral, iniisip ni Mendez na wala siyang oras na dapat masayang. Lagi niyang iniisip na mayroong siyang pangarap na dapat mangyari. Hindi maaaring huminto sa pangangarap lamang.
Patunay ang kuwento ni Mendez na maaaring piliin ang dalawang direksyon at maaaring pagdugtungin ang dalawang daan- isa para sa pagiging madiskarte sa buhay at ang isa naman ay para sa magandang edukasyon. Kayang gawin ang mga bagay na inaakalang imposibleng gawin kung determinado, may klarong mga pangarap at patuloy na umaabante sa daang pinagdugtong para sa magandang kinabukasan.
| Roselle Maravilla