Matapos ang taunang pagtataya ng mga kasanayan sa literacy at numeracy ng mga mag-aaral mula ika-pito hanggang ika-12 baitang sa unang kwarter ng Taong Panuruan 2023 - 2024, muling nagtala ang Mataas na Paaralan ng Homapon ng mababang bahagdan sa pagbabasa at matematika kung ihahambing sa dapat na kasanayang taglay ng mga mag-aaral na angkop sa kanilang baitang.
Itinaguyod ang iba’t ibang paunang pagtataya alinsunod sa mga programa ng Kagawaran ng Edukasyon, kabilang ang Philippine Informal Reading Inventory (Phil-IRI) para malaman ang lebel sa pagbasa, Reading Literacy Assessment (RLA) upang matukoy ang kasanayan ng bata na unawain ang kanyang binabasa, at ang Albay Numeracy Assessment Test (ALNAT) para mataya ang kasanayang pang-matematika ng bawat mag-aaral.
Dahil sa mabababang marka ng mga mag-aaral sa iba’t ibang pagtataya, ikinasa ng paaralan, sa pangunguna ni Punongguro Elvira Tusi-Belen ang PAG-ADAL o “Programs and Activities Geared on Academic Development to Attain Literacy and Numeracy Achievement” bilang interbensyon sa pagbasa at matematika.
“Isinama ng paaralan ang PAG-ADAL bilang isa sa mga Priority Improvement Areas ng ating School Improvement Plan para sa susunod na anim na taon bilang tugon sa hindi magandang marka sa iba’t ibang pagtataya,” pagbibigay-diin ni Belen.
Kasama sa PAG-ADAL ang iba’t ibang programang nilatag ng Departamento sa bawat asignatura upang tiyak na matugunan ang pangangailangan sa kalinangan ng mga mag-aaral.
Kabilang ang Project OPM o Oras na Para Magbasa, MATH Plus, at mahigpit na pagmonitor sa akademikong pag-unlad ng mga mag-aaral sa bawat kwarter sa mga programang inilunsad ng paaralan upang mapaunlad ang mga pangunahing kasanayan na dapat matutunan ng mga mag-aaral.
“Maituturing na isang hamon sa mga kaguruan na matulungan ang mga mag-aaral na mapaunlad pa ang kanilang mga sarili sa kasanayan ng pagbabasa at matematika,” pahayag ni Susan Maravilla, koordineytor ng Departamento ng Filipino.
Batay sa resulta ng RLA, pumalo lamang sa 64% o 732 mula sa kabuuang 1150 mag-aaral ng paaralan ang may kakayahang unawain ang kanyang binabasa.
Natukoy naman ang 17 mag-aaral na nasa “deficit level” na nangangailangan ng mas malaking suporta upang malinang ang angkop na kasanayan sa pagbabasa .
Naitala rin ng Departamento ng Matematika ang mababang resulta ng ALNAT kung saan pumalo sa 95% ng buong bilang ng mga mag-aaral ang nangangailangan ng mayoryang suporta upang malinang ang mga kasanayang dapat ay taglay na nila.
Tinukoy naman ni Catch-up Friday Coordinator Jean Pauline Pocaan ang distance learning noong pandemya bilang isa sa mga pangunahing dahilan ng mababang resulta ng pagtataya sa pagbabasa.
| Desiree Agripa, Carmela Lorilla